Anti-vape at anti-tobacco student council, binubuo sa mga paaralan kaagapay ang DOH

Courtesy: DOH FB
Sa patuloy na paglaban ng Department of Health (DOH) kontra vape at tobacco, isinagawa ng kagawaran ang isang health literacy campaign sa Eusebio High School sa Pasig City, kung saan itinatag ang kauna-unahang anti-vape at anti-tobacco council na binubuo ng mga estudyante.
Layon ng anti-vape at anti-tobacco council na paigtingin ang impluwensya ng mga kabataan para maisulong ang tamang impormasyon tungkol sa panganib ng paggamit ng tobacco at vape sa kapwa nila estudyante.

Courtesy: DOH FB
Aminado ang student leaders ng Eusebio High School na mayroon silang mga kaibigan at kakilalang ka-edad na naninigarilyo at gumagamit ng vape, kaya nais din nilang magkaroon ng boses sa paaralan para kontrahin ang mapanlinlang na marketing strategy ng vape at tobacco industry.

Courtesy: DOH FB
Sa temang “’Wag Magpaloko sa Vape at Sigarilyo!,” layon ng DOH na gawing vape at tobacco-free ang mga paaralan sa Pilipinas sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na kampanya kasama ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno, civil societies, at mismong mga kabataan sa mga paaralan.