Israel at Hamas, nagpakita ng kahandaan para sa susunod na ceasefire talks

A drone view shows houses and buildings lying in ruins, following a ceasefire between Israel and Hamas, in Jabalia in the northern Gaza Strip, January 19, 2025. REUTERS/Mahmoud Al-Basos/File Photo
Nagpakita ng senyales ang Israel at Hamas na pinaghahandaan na nila ang susunod na bahagi ng ceasefire negotiations, habang isinusulong naman ng mediators na palawigin ang 42-day truce na nagsimula noong Enero.
Ayon sa Hamas, may mga positibong “indicator” para simulan ang second-phase ng ceasefire talks ngunit hindi na ito idinetalye.
Sinabi ng israel na magpapadala ito ng delegasyon sa doha, qatar ngayong lunes para sa paunang negosasyon makaraang tanggapin ang imbitasyon mula sa mediators.
Isang delegasyon mula sa Hamas ang nakikipag-usap tungkol sa ceasefire sa Egyptian mediators sa Egypt na tumutulong sa pag-facilitate ng usapan kasama ang mga opisyal mula sa Qatar.
Target ng mga ito na magpatuloy sa susunod na stage ng ceasefire deal, na maaaring magbigay-daan upang matapos na ang giyera.
Sinabi ni Hamas spokesman, Abdel-Latif Al-Qanoua,“ We affirm our readiness to engage in the second-phase negotiations in a way that meets the demands of our people, and we call for intensified efforts to aid the Gaza Strip and lift the blockade on our suffering people.”
Sa pahayag naman mula sa tanggapan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, “Israel has accepted the invitation of the mediators backed by the US, and will send a delegation to Doha on Monday in an effort to advance the negotiations.”
Ang Gaza ceasefire deal na nagkabisa noong Enero, ay nananawagan sa pagpapalaya sa natitirang 59 na mga bihag ng Hamas sa second phase ng kasunduan, kung saan ang pinal na plano ay pag-uusapan para tapusin na ang giyera.
Natapos na nitong nagdaang linggo ang unang phase ng ceasefire, at mula noon ay nagpatupad na ng Israel ng isang “total blockade” sa lahat ng kalakal na pumapasok sa Gaza, at hiningi na palayain na ng Hamas ang nalalabing mga bihag kahit hindi pa nagsisimula ang mga negosasyon para tapusin na ang giyera.
Ang mga labanan ay nahinto simula noong January 19, at ang Hamas ay nagpalaya na ng 33 Israeli hostages at limang Thais kapalit ng nasa 2,000 Palestinian prisoners at detainees.
Naniniwala ang Israeli authorities na mas kakaunti na kaysa kalahati ng 59 na natitirang hostages ang buhay pa.