Dating Pangulong Rodrigo Duterte sinampahan ng disbarment complaint sa SC

Dumulog sa Korte Suprema ang ilang kamag-anak ng mga sinasabing biktima ng extra-judicial killings para tanggalan ng lisensya bilang abogado si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay sa pamamagitan ng isinampa nilang disbarment case laban sa dating presidente.

Ayon sa isa sa mga complainant na si Atty. Vicente Jaime Topacio, may mga paglabag si Duterte sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) ng mga abogado at nakagawa ng conduct unbecoming of a lawyer.

Binanggit ng mga complainant ang mga pagmumura at pambabastos ni Duterte, at ang giyera kontra droga sa panahon ng administrasyon nito.

Ayon kay Atty. Topacio, “Witness po buong mamamayan dito, nakita natin kung paano magmura, nakita natin kung paano laitin ang mga kababaihan. Paano i-short cut proseso, paano i-balewala ang pumatay ng tao. Ang taong ito ay wala pong karapatan na maging abogado sa ating bansa.”

Napapanahon din anila ang disbarment complaint lalo na’t inihayag ni Duterte sa mga nakaraan, na boluntaryo siyang tatayong abogado ng anak nito na si Vice President Sara Duterte sa impeachment case laban dito.

Umaasa ang mga complainant na pakikinggan ng Korte Suprema ang kanilang panawagan para makamit din nila ang hustisya.

Sinabi ng isa sa complainant na si Llore Pasco, “Hindi po sya karapat-dapat dahil ang isang abogado po siya po ang magtatanggol ng karapatan ng bawat Pilipino, lalo na po ang mga mahihirap kagaya namin na pinaslang na walang proseso.”

Ayon naman sa isa pang complainant na si Rosenda Lemita, “Ang karapatan ng mamamayan ang dapat nananaig sa ilalim ng batas. Ang mga salitang binibitawan ni Duterte ay patunay na wala siyang paggalang dito, kaya marapat lang kaming manawagan sa Korte Suprema na bigyan kami ng karampatang proteksiyon.”

Wala pang pahayag ang kampo ng dating pangulo sa disbarment case laban sa kaniya.

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *