Bata na nasa viral video na dumanas nang pambu-bully ng isang security guard, tutulungan ng DSWD

Nakahandang bigyan ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang batang nagtitinda ng sampaguita na nasa viral video na binully ng isang security guard.
Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, na inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang mga field officer ng ahensiya sa National Capital Region (NCR), na hanapin ang pamilya ng batang menor-de-edad para tulungan.
Ayon kay Dumlao, bibigyan ng psychological at financial suppory ang pamilya sa magiging evaluation ng social workers ng DSWD.
Sabi pa ni Dumlao, hahanapin din ng DSWD ang security guard na inalis na sa trabaho upang malaman kung anong tulong ang maaaring ibigay ng ahensiya.
Batay sa report, isinasailalim na rin sa imbestigasyon ng mga awtoridad ang security guard para sa kasong maaari niyang kaharapin, matapos ang insidente na nag-viral sa social media.
Vic Somintac