Kamara, binawi na ang mga dokumentong isinumite sa Senado kaugnay ng 2019 budget

Ipinag utos na ng liderato ng Kamara ang pagbawi ng budget books may kaugnayan sa 2019 General Appropriations Bill na ipinadala sa Senado.
Ayon kay House Appropriations Committee Chair Rolando Andaya Jr., tumulak na patungong Senado si House Secretary-General Roberto Maling upang bawiin ang mga dokumento.
Ito ayon sa opisyal ay kasunod ng naging kautusan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ayusin ang gusot sa pagitan ng Senado at Kamara may kaugnayan sa panukalang 2019 budget.
Ipinag-utos din anya ni Arroyo ang pagbuo ng 3-man House team na silang makikipag usap sa mga senador upang resolbahin ang nagbabanggang probisyon sa 2019 budget.
Ang 3 man team ay binubuo nina Andaya, Albay Cong. Edcel Lagman at San Juan Cong. Ronaldo Zamora. Limang araw ayon kay Andaya ang ibinigay ni Speaker GMA upang maresolba ang budget impasse.
Sa kabila nito, nanindigan parin ang kamara na hindi nila binabawi ang bersyon ng kanilang inaprubahang budget sapagkat wala silang ginawang labag sa saligang batas at iregularidad.
Umaasa naman ang kamara na magkakasundo ang dalawang kapulungan sa mga hindi pinagkakasunduan sa panukalang pondo.
Samantala, ayon naman sa lider ng Magnificent 7 sa Kamara na si Albay Rep. Edcel Lagman, constitutional ang kanilang inaprubahang budget dahil bilang lider ng oposisyon ay hindi siya susuporta sa hakbang ng Mababang Kapulungan na mayroong iregularidad.
Ulat ni Madz Moratillo
Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *