Mga Pinoy sa Japan inabisuhan ng embahada na mag-ingat sa tumataas na kaso ng trangkaso doon

Pinag-iingat ng Embahada ng Pilipinas sa Japan ang mga Pilipino sa dumaraming kaso ng trangkaso o infuenza roon.
Sa abiso na inilabas ng embahada, hinimok nito ang mga Pinoy na sundin ang mga hakbangin para maprotektahan ang sarili mula sa nasabing sakit.
Kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask partikular sa matataong lugar o sa pampublikong transportasyon, paghuhugas ng kamay, at pagtatakip ng bibig kapag umuubo.
Ang mga high-risk na indibiduwal ay pinayuhan na komunsulta agad sa doktor kapag may sintomas.
Inabisuhan din ng embahada ang mga Pinoy na magbibiyahe patungong Japan, na kumuha ng travel insurance sakaling may pangangailangang medikal.
Hinikayat din ang mga Pinoy sa Japan na makipag-ugnayan sa embahada o konsulado heneral ng Pilipinas sa kanilang emergency hotlines.
Moira Encina-Cruz