Mga tanggapan ng isang language learning center sa Maynila isinara ng DMW dahil sa sinasabing illegal recruitment sa Japan

0
Mga tanggapan ng isang language learning center sa Maynila isinara ng DMW dahil sa sinasabing illegal recruitment sa Japan

Courtesy: DMW

Sabay-sabay na ikinandado ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes, ang punong tanggapan at apat na branches ng isang language learning center na sinasabing iligal na nag-aalok ng trabaho sa Japan.

Katuwang ang mga lokal na pamahalaan at pulisya, sinalakay at isinara ng mga tauhan ng DMW- Migrant Workers Protection Bureau ang mga tanggapan ng Hikari Japanese Learning Center Corporation sa iba’t ibang lugar.

Kabilang na rito ang head office nito sa Panabo City, Davao Del Norte, at ang apat na branches nito sa Maynila, Rosario, Cavite, Davao City, at General Santos City.

Ayon kay Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia, walang lisensya at otoridad mula sa DMW ang Hikari Japanese Learning Center para mag-alok ng mga trabaho sa Japan.

Aniya, “Una po walang pong lisensiya yung Japanese Training Center na yun na magselect at magrefer, bawal po yun, illegal recruitment po ang tawag doon. Pangalawa wala po dapat sinisingil na training fee dahil libre po ito. Yung training fee papunta ng Japan under SSWP, yung Japanese employer po ang nagbabayad doon.”

Courtesy: DMW

Nabatid ng DMW sa serye ng surveillance nito na hinihimok ng Hikari ang mga aplikante nito na mag-enroll sa kanilang apat na buwang language training program, sa halagang mahigit P33,000 na puwedeng bayaran by installment.

Pagkatapos ay iri-refer ng Hikari ang mga aplikante na pumasa para sa screening ng kanilang ka-tie-up na mga ahensya para sa deployment sa Japan.

Sinabi ni Olalia, “Yun pong halaga ng kanilang nakolekta inaalam pa natin, kasalukuyan pa po ang ating imbestigasyon. Dito lang sa Malate may mga nakita na tayong aplikante so aalamin pa natin di nmin pwedeng pakialaman records nila.”

Ilan sa mga trabahong iniaalok sa mga aplikante ay sa hotel and restaurant service, food processing, caregiving, farming, at food and beverage manufacturing sa ilalim ng Technical Internship Training Program (TITP), at kalaunan ay sa Specified Skilled Worker Program (SSWP).

Iimbestigahan at ipatatawag naman ng DMW ang anim na recruitment agencies na sinasabing ka-tie-up ng learning center.

Ayon pa kay Olalia, “Hindi po muna natin papangalanan yung anim na recruitment agencies dahil nakita lang natin ang pangalan kanina. Magkaconduct pa tayo ng malalim at masusing imbestigasyon ipapatawag natin ito at titingnan natin kung totoo sila ay tie up at tumatanggap ng workers dito sa nasabing training center.”

Mahaharap sa kasong illegal recruitment ang language center habang maaaring suspendihin o kanselahin ng DMW ang lisensya ng recruiment agencies na mapatutunayang kasabwat.

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *