Provincial buses papayagang bumiyahe sa EDSA simula sa December 20
Papayagan pansamantala ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang provincial buses na bumiyahe sa EDSA mula Dec 20, 2024 hanggang Enero 2, 2025 upang makaagapay sa inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong holiday season.
Courtesy : PIO MMDA
Mula Disyembre 20 hanggang 25, ay papayagan ang naturang mga bus na bumiyahe sa EDSA mula alas-10:00 ng gabi hanggang ala-5:00 ng umaga, habang mula Disyembre 26, 2024 hanggang sa Jan. 2, 2025 ay maaari silang bumiyahe sa loob ng 24 oras.
Ang mga bus na galing Norte ay hanggang sa Cubao sa Quezon City lamang papayagan, habang ang mga manggagaling sa katimugan ay hanggang terminal ng PITX sa Pasay City.
Courtesy : PIO MMDA
Pinaalalahanan naman ng MMDA ang publiko na planuhin ang kanilang pagbiyahe, at maging ang mga magtutungo sa mga mall at hinimok ang marami na sumakay sa bus carousel sa halip na magdala ng kanilang sasakyan.
Nagpatupad din ang MMDA ng kautusan sa kanilang mga traffic personnel na palawigin hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ang duty mula sa normal na alas-10:00 ng gabi, upang mabantayan ang mga lansangan at maging ligtas sa anumang mga insidente.
Manny De luna