Resignation letter ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, naipadala na sa Malacañang

Ipinadala na ngayong araw, December 27 ang kopya ng resignation letter ni Vice Mayor Paolo Duterte sa Malakanyang.

Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte, kahapon Dec. 26 nang malagdaan ni Paolo ang kaniyang resignation.

Sa ngayon, wala pa aniyang ideya ang alkalde kung aaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resignation.
Nananatili aniyang naka-leave si Paolo hanggang December 31, at palalawigin nito ang kaniyang leave of absence hangga’t hindi tinatanggap ang kaniyang pagbibitiw.

Nilinaw ng alkalde na hangga’t hindi tinatanggap ni Pangulong Duterte ang resignation ay hindi ito magiging pinal.

Sinabi pa ng alkalde na walang sinuman sa kanila na may ideya na magbibitiw si Paolo.

Lumutang lang aniya ang naisin ni Paolo na magbitiw na sa pwesto dahil sa isyu ng P6.4 billion shabu shipment kung saan nadawit ang kaniyang pangalan at hinggil din sa naging alitan nila ng kaniyang anak na si Isabelle Duterte.

Subalit naniniwala ang alkalde na hindi naman nagsasara ng pinto ang kapatid sa muling pagtakbo sa pulitika.

Una nang sinabi mismo ni Paolo sa kanyang sa speech sa city council na umaasa syang muling makapanungkulan sa bansa.

Sa ngayon, hindi pa kinumpirma ng pangulo kung natanggap na nya ang resignation ni paolo.

Samantala, nilinaw naman ng Malacañang na may labin-limang araw si Pangulong Duterte para magdesisyon kaugnay ng pagbibitiw ni Paolo.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Marawi City, magsisimula ang 15-day reglementary period sa sandaling matanggap na ni Pangulong Duterte ang resignation letter mula kay paolo.

Batay anya sa probisyon ng local government code, kailangang aksyunan ang liham ng pagbibitiw sa loob ng 15 araw at kung walang gagawin ng pangulo ay magiging epektibo na ito o “deemed accepted.”

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *