Road users tax, ugat ng away ng ilang Kongresista at ni Budget secretary Benjamin Diokno – Malakanyang

Ibinulgar ni Budget secretary Benjamin Diokno na ang road users tax ang ugat kaya siya inaaway ng ilang Kongresista partikular sina House majority leader Nonoy Andaya at House minority leader Danilo Suarez.

Sa economic briefing sa Malakanyang sinabi ni Diokno na maliban sa isyu ng road users at pagbuwag sa Road board ginawa din siyang panakip butas sa natuklasan ni Senador Panfilo Lacson na insertion ng mga pet projects ng mga kongresista sa 2019 proposed National Budget na nagkakahalaga ng 3.757 trilyong piso.

Nanindigan si Diokno na wala siyang ginawang insertion sa President’s budget na nakapaloob sa 2019 proposed National Budget gaya ng 75 bilyong pisong dagdag sa budget ng Department of Public Works and Highways o DPWH dahil ito ay bahagi ng budgetary adjustment process sa Executive Department na maaaring baguhin ng Kongreso.

Ayon kay Diokno sa pinakahuling Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting sa Malakanyang inungkat ng mga Kongresista kasama si Congressman Danilo Suarez ang ukol sa road users tax.

Inihayag ni Diokno na siya mismo ang nagrekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin na lamang ang road board na nangangasiwa sa road users tax dahil pinagsasamantalahan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan kaya hiniling mismo ng Pangulo sa Kongreso na magpatibay ng panukalang batas na bubuwag sa Road board.

Naniniwala si Diokno na ayaw pakawalan ng mga Kongresista ang road users tax na nagkakahalaga ng 45 bilyong piso kaya noong nagpalit ng liderato ang Kamara sa ilalim ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay binawi ng Kamara ang kanilang ratified bill matapos iadap ng Senado ang house version sa pagbuwag ng Road board.

May hinala si Diokno na may kinalaman din sa darating na eleksyon sa Mayo ang pagnanais ng mga Kongresista na magamit ang road users tax.

Ang isyu sa Budget insertion at Road users tax ang dahilan kaya nabalam ang pagpapatibay 2019 Proposed National budget. 

 

Ulat ni Vic Somintac 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *