Make Marilaque Road Safe Again campaign, inilunsad

Nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga grupo ng motorcycle riders, para ikampanya at paigtingin ang road safety sa Marilaque Road sa Tanay, Rizal kasunod ng trahedya roon kamakailan na ikinamatay ng isang motovlogger at ikinasugat ng iba pang katao.
Pinangunahan ng Land Transportation Office, PNP, mga grupo ng riders at road safety advocates ang paglulunsad ng Make Marilaque Road Safe Again campaign.

Layunin nito na mas maisulong ang kaalaman sa mas ligtas na daan sa lahat ng road users, partikular sa mga motorista sa Marilaque Highway na ginagawang racetrack ng ilang riders.
Nanawagan ang Rizal PNP sa mga nagmomotor sa lugar na igalang ang lahat ng gumagamit ng daan, at sawayin ang mga kapwa riders na hindi sumusunod sa road safety regulations
Sinabi ni Rizal Provincial Director Col. Felipe Maragun, “Pairalin natin yung concern sa bawat isa. For example, kayong mga grupo ng riders, disiplinahin nyo ka-grupo nyo, pag may mga pasaway, kayo na mismo unang magdisiplina sa kaniya, or sabihan siya na mali ang kaniya ginagawa. At kung hindi maiwasan na talagang pasaway, ireport nyo po sa amin yan, sa mga awtoridad, nandyan po nakadeploy mga LTO at iba’t ibang agency ng gobyerno.”

Umapela rin si Senador JV Ejercito na isang motorcycle enthusiast sa mga katulad niyang rider, na mag-ingat at irespeto ang lahat ng road users sa Marilaque Road.
Sayang aniya ang ganda at potensyal sa turismo ng lugar kung hindi ito ligtas sa lahat ng mga dumarayo roon.
Aniya, “Ang ganda ng Marilaque, gawin natin itong toursim area para makatulong tayo sa local economy, makatulong tayo sa turismo ng Marilaque. I-enjoy natin ang napakagandang lugar na ito. Andaming kapihan, ang ganda ng Sierra Madre, ang ganda ng tanawin, ang daming kainan, may mga pumupunta rito mga pamilya. Sana respetuhin natina ng iba, respetuhin natin bikers, ibang motorista pati na rin kapwa riders. Mag-enjoy muli tayo sa Marilaque. Let’s make it safe again.”

Handa naman ang isang ride- hailing app na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng training sa mga nagmomotor, na tanging solusyon anila para maiwasan at mabawasan ang mga aksidente sa daan.
Ayon kay George Royeca, CEO ng Angkas, “Dapat talaga bigyan ng pansin at bigyan ng atensiyon ang motorsiklo. Lumalaki na po ang bilang ng motorsiklo sa bupng Pilipinas. 18 milyon na po at dapat ang gobyerno nakatutok sa pamamalakad at pagbibigay ng regulasyon, sa pagbibigay ng edukasyon at pag-empower sa mga rider dito sa Pilipinas.”
Moira Encina-Cruz